Gatas ng Panimula
Hindi ko na naubos ang tinimplang gatas sa akin ng aking ina, baka naman kasi kapag inubos ko pa ang kanina pang hinihintay na lumamig na gatas, pipila pa ako ng pagkatagal tagal dun sa may terminal ng FX sa amin. Bakit nga ba FX ang sasakyan ko gayong may jeep naman na mas mura pa ng kalahati kaysa sa binabayad ko sa FX. Hindi ko din alam kung bakit, pero ang napansin ko sa sarili ko ngayong linggo, napakagastos ko lalo na sa pagkain. Hindi naman gluttony na matatawag ito pero talagang magastos ako sa pagkain. Kapag nagutom ako o kaya naman ay may naisipan lang akong kainin, bibili agad ako nito kahit kailangan ko pang maglakad sa initan. Hindi ako mataba. Kung sa tingin niyo ay pang matataba at masisiba lang ang ganoong mga gawaing ginawa ko, nagkakamali kayo. Isa lamang akong payat ng nilalang na nilikha para kumain ng mga pagkaing inihanda ng ibang tao. Hindi naman talaga ako naging payat sa buong buhay ko. Ang katanuyan nga eh napaaaway ako noong bata pa ako kasi inaasar ako ng kalaro ko na baboy. Siyempre bata, hindi mo maiiwasang mapikon kapag inasar ka kaya gaganti ka at sa huli ay lalala ang sitwasyon.
Naaalala ko noong mga kabataan ko ay nabasag ko ang itlog na pinabili sa akin ng aking ina. Noong panahon na iyo ay apat na piso pa lang ang itlog ay iyon na ang pinakamahal na presyo sa amin. Pero ngayon, pinakamura na yata ang limang pisong itlog. Meron namang dalawang piso pero itlog lang ng pugo, yung iba lamog pa. Ayon nga ang nangyari, pinabili lang ako ng itlog dun sa may tindahan ni Aling Cora tapos nung pabalik na ako ay napagtripan pa ako nung minsan ay kalaro at minsan ay kaaway ko. Sinabihan ako ng baboy ng walang hiyang iyon na mas malaki pa nga kung tutuusin kay Damulag na lagi namang kaaway ni Nobita. Ang lakas ng loob niya sa ginawa niya pero alam ko na kahit papano ay nasaktan din siya sa sinabi niya. Pero hindi lang iyon, inulit ulit pa niya ang pagsasabi ng mga katagang baboy hanggang sa ang batang ako ay napikon at sa sobrang pikon ay napisa ko ang itlog na hawak ko. Ang lagkit! Ibabato ko pa sana sa kanya ang nabasag na itlog pero hindi na lang, baka magsumbong pa sa nanay niya at pagbatehin pa ako ng sandamakmak na itlog sa kanila. Pag-uwi ko ay naghugas muna ako ng kamay sa lababo naming pinapamahayan ng mga ipis kung gabi. Buti na lang may pakisama ang mga hinayupak na ipis na ito at sa gabi lang namimerwisyo. Pumasok ako at nanghingi ulit ng apat na piso pangbili ng panibagong itlog dahil nga nabasag ko sa mahigpit na pagkakawak. BABOY! Iyan ang sinagot ko sa aking ina noong tinanong ako kung ano bang sinabi sa akin para magalit ako ng ganoon na lamang. Tumawa lang siya. Away bata daw eh, gasgas na sa mga kalye lalo na pagkatapos maglaro ng habulan ko kaya naman ay tumbang preso gamit ang mga lata ng sardinas ng kapitbahay.
Mula sa itlog, babalik na ako sa nauna ko nang dinramahan kanina – ang pagiging magastos ko. Hindi lamang ako sa pagkain naging magastos, pati sa paraan ko ng pagsakay ng mga pampublikong sasakyan ay naging magastos ako. Dati naman ay hindi ako sumasakay sa FX at sa jeep lang na may malakas na tugtugang pinapangunahan ni Flo Rida ng Low. Pero bago pa man iyon, noong una ay bus ako sumasakay. Iba’t ibang liner ng bus ang nasasakyan ko kada araw dahil pito yata ang mga transit na bumabiyahe sa lugar namin. Sa pagsakay doon sa mga bus na iyon ay siksikan at tulukan Madami kasing mga pasahero ang nag-aabang doon sa may harap ng plaza na kung sa gabi ay Pegasus ng mga mahihirap.Buti na lang at umaga pa iyon at medyo amoy Zest pa ang mga nakakasakay ko. Malas na lang kapag hapon dahil galing na sa trabaho ang mga ito. Siksikan, tulakan, at minsan pa nga ay may nagkapikunan na dalawang babae sa bus. Tinulak daw ni babae no.1 si babae no. 2 kaya naman muntik na itong mahulog. Nagulat na lang ako at narinig ko na lang na nagsisigawan na ang dalawang eskandalosang tatanga-tanga. Ayaw pala magtulakan at makipagsiksikan pero sa bus pa sumakay, may FX naman na angkop ang pananamit nila.
Tapos na ako magsapatos at ako’y paalis na. Binigay ko na lamang sa nakakababatang kong kapatid ang gatas na hindi naubos para naman tumagkad siya kahit konti, nasobrahan sa alaga ng kusina eh.
Mamang drayber, traysikel!

